4-anyos na babae, todas; 6 sugatan sa araro ng MPV

MANILA, Philippines — Idineklarang dead-on-arrival ang isang 4-anyos na batang babae habang anim ang nasugatan nang sila ay araruhin ng isang multi purpose vehicle (MPV) habang naglalakad sa bangketa pagkatapos bumili ng school supplies kasama ang kanyang lola, naganap sa kahabaan ng Don Vicente Avenue, Peñafrancia, Brgy Cupang, Antipolo City, Rizal, Linggo ng hapon.
Kinilala ang nasawing bata na si alyas “Caroline”, 4-anyos, habang sugatan ng anim na sina alyas “Maria”, “Felicisima”, “Norma”, “Cheryl”, “Carla”, at “Matthew”.
Sa ulat ng Antipolo Police, alas-5:30 ng hapon ng Hunyo 7, 2026 nang maganap ang aksidente nasabing lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon na nasa hulihan ang isang Mitsubishi Adventure GLX, nang pagsapit sa pababang bahagi ng kalsada ay nawalan umano ng preno at nabangga ang hulihang bahagi ng isang tricycle at sa lakas nang pagkasalpok ay bumangga naman ito sa isang motorsiklo.
Dumiretso umano ang Mitsubishi Adventure at nahagip at nabangga ang mga biktima na naglalakad sa bangketa.
Huminto lamang ang Mitsubishi nang sumalpok sa konkretong poste.
Nabatid pa kay Jamaica Astada, ina ng bata na kabibili lamang nila ng school supplies at sobrang excited pumasok ang kaniyang anak sa eskuwelahan sa pagbubukas ng klase noong Hunyo 8, pero hindi na ito nangyari.
Napag-alaman pa na nakatakdang magdiwang ng kaniyang ika-5 taong kaarawan ang bata sa darating na Hunyo 23 na pinaghahandaan ng pamilya nito.
Kusang sumuko sa mga otoridad ang 39-anyos na babaeng driver na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injury, and damage to property ang driver, ang driver na nasa kustodiya na ng Antipolo Police.
- Latest















