Re-electionist na brgy. chairman, itinumba
MANILA, Philippines — Nabahiran ng dugo ang nalalapit na barangay election matapos na pagbabarilin ang isang barangay chairman na muling tatakbo sa nasabing posisyon kamakalawa ng hapon sa Monkayo, Compostela Valley.
Ang biktima na namatay noon din dahil sa dami ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Danilo Daanton, kasalukuyang chairman ng Brgy. Banlag, pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC).
Sa imbestigasyon ng pulisya na pasado alas-5:00 ng hapon ay katatapos lang maglaro ng basketball ang biktima at sakay ito ng kanyang motorsiklo pauwi sa kanilang bahay.
Pagdating sa Golden Plains Subdivision, Purok 5 ay hinarang ito ng hindi pa mabilang na suspek at walang kaabog-abog na pinagbabaril.
Malaki ang hinala ng pulisya na ang motibo ng pamamaslang sa biktima ay may kaugnayan sa nalalapit na barangay elections.
Kinondena naman ng mga miyembro ng Liga ng mga Barangay sa Monkayo ang ginawang pagpatay kay Daanton na isa rin dating myembro ng Sangguniang Bayan.
- Latest





















