Australian activist pinalaya ng BI
MANILA, Philippines — Pinalaya na ng Bureau of Immigration (BI) ang Australian missionary na si Sister Patricia Fox, isang araw matapos itong arestuhin bunsod ng report na may nilabag itong kondisyon dahil sa political activities at anti-government demonstrations.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang pagpapalaya kay Fox, 71, ay bunsod ng rekomendasyon ni BI legal division headed chief Arvin Cesar Santos.
Batay sa rekomendasyon, si Fox ay may hawak na missionary visa at may kaukulang papeles.
Isinumite ni Fox ang kanyang passport at immigration documents na nagpapakita na ang kanyang missionary visa ay inisyu noong Oct. 15, 2017 hanggang Sept. 9 2018.
Sa dalawang pahinang rekomendasyon, sinabi ni Santos na bagamat sumali si Fox sa ilang mga protesta noon, hindi naman ito sakop ng mission order na inilabas ng immigration laban dito.
- Latest