Mas exciting ang bagong format ng FIBA-Asia Cup
MANILA, Philippines - Isang bago at kapana-panabik na format ang itatampok sa darating na 2017 FIBA Asia Cup habang kasalukuyan pang hinihintay ang mga qualifiers mula sa East Asia at Southeast Asia.
Ang mga nakakuha na ng tiket para sa FIBA Asia Cup na nakatakda sa Agosto 10-20 sa Beirut ay ang Australia, New Zealand, Iran, Iraq, Jordan, Lebanon, Qatar at Syria.
Inaasahan namang magkakampeon ang Pilipinas, kakatawanin ng Gilas 5.0, ang nalalapit na SEABA competition kagaya ng mga East Asian powers na China, South Korea, Japan at Chinese Taipei para sa FIBA Asia Cup.
Kabuuang 16 koponan ang maglalaro sa Beirut na hahatiin sa apat na brackets sa group phase.
Maglalaro ang mga tropa sa single round sa kanilang mga grupo kung saan ang best teams ay awtomatikong papasok sa quarterfinals.
Tuluyan namang masisibak ang mga bottom teams, samantalang ang second at third teams sa bawat grupo ay dadaan sa qualifying phase patu-ngo sa quarterfinals.
Itatampok sa qualifying phase ang laban ng No. 2 team kontra sa No. 3 squad at ang mananalo ang aabante sa Final Eight kasama ang apat pang qualifiers.
Sasailalim sa knockout round ang Final Eight na magdedetermina sa maglalaban sa finals.
Kailangang maghari ang Gilas Pilipinas sa SEABA Championship na nakatakda sa Mayo 12-18 sa Smart Araneta Coliseum para makasama sa Beirut tournament.
Sumegunda ang Gilas Pilipinas sa huling dalawang FIBA Asia Championships sa Manila at sa Changsha, China.
Lubha namang naging mas lalong mahirap ang continental competition dahil sa pagkakasama ng Australia at New Zealand sa kanilang mga Asian competitors.
Mas angat ang Australia kumpara sa China sa world ranking bilang No. 10 habang ang New Zealand ay No. 20 na mas angat sa Iran (25) at Pilipinas (27).
- Latest





















