CafeFrance diretso sa semifinals
MANILA, Philippines - Umusad na sa semifinals ng 2017 PBA D-League Aspirants Cup ang CafeFrance matapos talunin ang Jose Rizal University sa iskor na 86-75 sa Ynares Arena sa Pasig kahapon.
Nagtala ng tig-16 na puntos sina Paul Desi-derio at Congolose center Rodrigue Ebondo para pamunuan ang kanilang opensa at makabawi sa dalawang magkasunod na talo sa kanilang huling dalawang laro ng eliminations.
Humila rin ng 11 rebounds si Ebondo kabilang ang tatlong supalpal para magsilbing ankla ng depensa ng Bakers sa ilalim ng basket.
Matapos maiwan ng 32-22 sa second quarter, nagpasiklab ang Bakers sa third quarter na kanilang sinimulan sa pamamagitan ng isang 7-0 run upang lumamang sa pangalawang pagkakataon sa laro, 39-38 na kanilang napalaki sa 61-48.
Lumaban naman ang Heavy Bombers nang kanilang maidikit sa 78-75 ang talaan sa nalalabing 1:24 minuto ng laro sa pangunguna ni Japs Bautista subalit nasagot ito ng Bakers ng maisalpak ni Joseph Sedurifa ang kanyang tres na siyang nagselyo ng kanilang panalo.
Umiskor ng 15 puntos ang nagbabalik-CafeFrance na si Sedurifa mula sa bench na kinuha matapos malaglag sa playoff contention ang Team Batangas.
“I needed somebody na magiging kapalit ni Desiderio dahil wala naman akong iba pang scorer so naisip ko na makakatulong si Joseph (Sedurifa),” pahayag ni CafeFrance head coach Egay Macaraya.
Gumawa naman ng 18 puntos si Teytey Teo-doro habang nag-ambag naman ng 14 na puntos si Japs Bautista, siyam rito ay kanyang inilayag sa fourth quarter para sa natanggal na JRU.
Makakalaban ng CafeFrance ang Racal sa isang best-of-three series sa semifinals na magsisimula sa Martes sa Marikina Sports Complex.
Kasalukuyan namang naglalaro ang Tanduay at AMA Online Education sa kanilang quarterfinals match-up, kung saan hawak ng Rhum Masters ang twice-to-beat incentive habang isinusulat ang balitang ito. (FML)
CafeFrance - Desiderio 16, Ebondo 16, Casiño 15, Sedurifa 15, Calisaan 9, Faundo 6, Arim 3, Jeruta 2, Manlangit 2, Wamar 2, Anunciacion 0, Aquino 0 Guinitaran 0, Opiso 0.
JRU - Teodoro 18, Bautista 14, Ambuludto 10, Dels Virgen 8, Marquez 8, Publico 7, Lasquety 6, Poutouchi 4, Astilla 0, Bordon 0, Estrella 0, Grospe 0, Mate 0, Sawa 0
Quaerterscores: 15-22-32-38; 55-65; 86-75.
- Latest

















