Pinoy chessers giniba ang Costa Rica, pasok sa Top 15
MANILA, Philippines – Patuloy ang tikas na ratsada ng men’s team nang gapiin nito ang Costa Rica, 3.5-0.5, sa ikaapat na yugto upang makapasok sa Top 15 sa 42nd World Chess Olympiad na ginaganap sa Baku, Azerbaijan.
Nagtala ng panalo sina International Master (IM) Paulo Bersamina, Grandmaster (GM) John Paul Gomez at GM Rogelio Barcenilla Jr. habang naipuwersa ni Asia’s first GM Eugene Torre ang draw para dalhin ang Pilipinas sa panalo.
Pinatumba ni Bersamina si IM Alexis Murillo Tsijli, namayani si Gomez kay IM Sergio Minero Pineda at nanalo si Barcenilla kay IM Leonardo Valdez Romero.
Naipuwersa naman ni Torre ang draw kay GM Bernal Gonzales Acosta.
Sa kabuuan, may anim na puntos na ang Pilipinas mula sa tatlong panalo.
Sa women’s division, nagkasya sa draw ang Pilipinas laban sa Canada, 2-2.
- Latest


















