House of Death (21)
Tunay naman ang pagpapasalamat nina Mario at Anna sa mag-asawang Temyong at Azon. Dahil sa katapangan at naitulong ni Temyong.
Kaso akala mo sina Temyong at Azon ay may-ari na rin ng mansiyon na ipinamana ng mahiwagang babaing nakaitim kina Mario at Anna.
“Ang ganda pala nito kahit luma na. At mukhang matibay, ha? Pangmatagalan. Siguro magkakaanak at magkakaapo na ang mga anak natin, solido pa rin ang mansiyon na ito!” Hangang-hanga si Temyong, panay ang ikot ng mga mata sa paligid.
Tinititigan at hinahawakan naman ni Azon at ng mga anak ang lahat na antigong mamahaling gamit doon.
“Galing naman! Talagang sa inyo na lahat pati itong mga gamit?” Inggit na inggit si Azon.
“Oho. Pati mga multong nakakatakot.” Sagot ng panganay na dalaga nina Mario na halatang turn off sa mag-anak.
Kanina pa kasi minimenos ng mga ito ang katapangan ng sarili niyang ama.
Pero sina Temyong at Azon ay hindi nakahalata. O dedma lang.
“Pasalamat talaga kayo at dito na kami titira. Mamamatay kayo sa takot dito kapag kayo lang!”
“Tama si Temyong. Naku, itong asawa ko. Walang kinatatakutan. Kahit multo, kahit demonyo. Ilan nga pala silid nito, Anna?”
“Sa totoo lang, hindi pa namin alam. Kahapon pa lang naman kasi kami dumating dito. At dahil nga sa mga masasamang multo, hindi namin maikot ang napakalaking bahay na ito. Kaya hindi namin nabilang ang mga silid,” nakangiti pang sagot ni Anna.
“Pero tiyak na marami. Kaya puwedeng-puwede kami rito. Baka nga puwede pang tig-iisang silid ang mga anak namin para naman makatikim sila ng kasaganaan. Buhay senyorito.” Walang hiya-hiya si Azon.
“Siyempre, okey lang ‘yon. Kasi naging bida naman talaga si Itay!” Nagmamagaling ang panganay na lalaki.
Nagkatinginan sina Mario at Anna. Dahil mababait, paano ba nila tatanggihan ang pamilyang ito na gustong makatikim ng tirahan ng mayaman?
Nag-usap ang mag-asawa.
“Pasensya na, Mario. Sila talaga ang kadikit ng bahay natin, hindi ko alam kung paano hindian. At siguro, dahil na rin sa takot ko sa mga masasamang ispiritu dito kaya napapayag akong dumito na rin sila.”
- ITUTULOY
- Latest


















