VP Sara nasa ‘campaign mode’ na — Adiong

MANILA, Philippines — Nasa “campaign mode” na umano ang mga galawan ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng 2028 presidential race, ayon kay Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong.
Giit ni Adiong, malinaw sa mga kilos at pahayag ng Bise Presidente sa mga rally kabilang ang “Free Duterte Now” sa The Hague, Netherlands na pinatitibay nito ang suporta ng mga pro-Duterte groups.
“I think that’s how she rallies and keeps her support base… nagiging kampanya na siya in a way para ma-maintain niya ‘yung sinasabi niyang suporta,” ani Adiong.
Dagdag pa ng kongresista, tila nilalandas na ni VP Sara ang ambisyon na maging susunod na Pangulo matapos maagang ihayag ang kaniyang kandidatura.
Samantala, kapansin-pansin na ang biyahe ni VP Sara sa ibang bansa mula Hulyo 16–31 ay kasabay ng impeachment trial sa Senado hinggil sa umano’y iregularidad sa paggasta ng P612.5M confidential funds ng OVP at DepEd.
Ayon kay Adiong, mas nais ng prosecution panel na personal na humarap si VP Sara sa paglilitis upang marinig ng publiko ang kaniyang paliwanag.
Puna pa ni Adiong, halata umanong umiiwas si VP Sara sa impeachment trial at mas pinipiling manatili sa kaniyang “comfort zone.”
- Latest






















