Sen. Raffy: Sa wakas umaksyon din ang DepEd, pero bakit ngayon lang?
MANILA, Philippines — Pinuri ni Sen. Raffy “Idol” Tulfo ang pag-anunsyo ng Department of Education (DepEd) ng nationwide school safety measures matapos ang barilan sa Tacloban City campus noong Hunyo 22 na ikinasawi ng tatlong estudyante.
Alinsunod sa direktiba ni Sec. Sonny Angara, kabilang sa mga hakbang ang paggamit ng hand-held metal detectors at CCTV cameras sa mga pampublikong paaralan—mga panukalang matagal nang isinusulong ni Sen. Raffy upang palakasin ang seguridad at mas madaling makakalap ng ebidensya sakaling may insidente.
Matatandaan na sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education noong Agosto 12, 2025, iminungkahi ni Tulfo ang paggamit ng metal detectors, na sinang-ayunan ni DepEd Usec. Filimon Javier. Muli niya itong binigyang-diin sa pagdinig noong Marso 17, 2026, kung saan inirekomenda rin niya ang paglalagay ng CCTV cameras sa mga silid-aralan at common areas. Gayunman, hindi agad ito naaksyunan ng DepEd.
Dahil dito, matapos ang trahedya sa Tacloban, tumawag si Tulfo kay Sec. Angara upang mag-follow-up. Nangako ang kalihim na agad niyang ipatutupad ang mga mungkahi.
Bagama’t ikinatuwa ni Tulfo ang aksyon ng DepEd, binigyang-diin niya na hindi na sana umabot sa trahedya kung agad itong tinugunan.
“Bagama’t umaksyon na ang DepEd, ang tanong ay bakit ngayon lang? Dati ko pang iminumungkahi ang mga ito pero bakit kinailangan pang maraming buhay ang masayang bago sila kumilos?” ani Tulfo.
Dagdag pa niya: “Ang insidenteng ito ay paalala sa ating mga kawani ng gobyerno na huwag maghintay na may mamatay o masaktan bago tayo gumawa ng hakbang sa tuwing may suliraning nangangailangan ng agarang aksyon.”
- Latest




















