5 armado umatake sa Camarines Sur: Bahay ng 65-anyos, nilooban
LIBMANAN, Camarines Sur, Philippines — Sobrang takot ang naramdaman ng isang 67-anyos na retiradong kawani ng gobyerno at kanyang pamilya matapos silang pasukin at pagnakawan ng mga armadong kalalakihan saka tinangay pa ang kanilang SUV sa Brgy. Bahay, Libmanan, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.
Sa ulat, alas-9 ng gabi nagulantang si alyas “James” at kanyang pamilya nang biglang pumasok sa kanilang bahay ang limang suspek na armado ng iba’t ibang kalibre ng baril.
Pinagkukulimbat ng mga suspek ang mga alahas ng mga biktima na tinatayang aabot sa P100,000, P45,000 cash, apat na mamahaling cellphone, isang playstation, mga ATM cards, apat na susi ng kanilang mga sasakyan, at motorsiklo saka tinangay ang kanilang SUV na puting Mitsubishi Montero na na (EAF-7509) na nagkakahalaga ng P1.7 milyon.
Sa atas ni Camarines Police provincial director Col.Virgilio Olalia Jr. na paigtingin ang paghabol sa mga salarin at agad natagpuan ang SUV na inabandona sa Brgy. Panaytayan sa bayan ng Ragay.
Kasunod nito, dakong alas-11:50 ng gabi ay naaresto ang dalawa sa mga suspek sa Brgy. Binahan Upper ng naturang bayan. Nabawi sa kanila ang ilang mga gamit na ninakaw at baril.
Alas-3:30 ng madaling araw kahapon ay sunod namang natagpuan ng mga humahabol na mga pulis sa Brgy. Liboro ang Toyota Fortuner na get away vehicle ng mga suspek.
- Latest

















