Estudyante nanghabol ng saksak sa 2 kamag-aral!

Balisong bitbit sa iskul vs bully
MANILA, Philippines — Dahil umano sa pambu-bully, nanghabol ng saksak ang isang 17-anyos na estudyante sa dalawa nitong kamag-aral sa labas ng isang eskuwelahan sa Carcar City, Cebu kamakalawa.
Sa report ng Carcar City Police, nagpanakbuhan din ang mga nasindak na estudyante matapos na makitang hinahabol ng naturang estudyante na may bitbit na balisong ang dalawa nitong kaklase sa labas ng Carcar City Central School sa nasabing lungsod.
Ang insidente ay nag-viral sa social media na nakunan ng isang netizen.
Nauna rito, nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng ilang estudyante sa nasabing lugar.
Mabilis namang nagresponde ang mga barangay tanod bago pa dumating ang mga pulis at agad na kinumpiska ang balisong na hawak ng nasabing estudyante.
Sa pagsisiyasat, napuno na umano ang nasabing estudyante dahil sa palagi umanong pambu-bully sa kaniya ng dalawang pilyong kamag-aral.
Nabatid na bumibili lamang ng meryenda ang tinedyer na estudyante sa labas ng eskuwelahan nang bigla na lang siyang pagsisipain ng dalawang kamag-aral na nagkakaedad 18 at 19-anyos. Dito na tuluyang nagalit ang 17-anyos at inilabas ang itinatago nitong balisong saka hinabol ng saksak ang dalawang bully na estudyante.
- Latest






















