Bank account ni Eala tataba na naman
MANILA, Philippines — Muling madaragdagan ang kayamanan ni Alex Eala matapos makapasok sa second round ng WTA 500 HSBC Championships na ginaganap sa Queen’s Club sa London, England.
Sigurado na ang 21-anyos Pinay netter ng $28,245 o halos P1.7 milyon matapos ang kanyang panalo sa first round.
Tinalo ni Eala si Zhang Shuai ng China sa pamamagitan ng matikas na 6-3, 6-2 demolisyon upang umusad sa second round.
Ngunit muling daraan sa matinding pagsubok si Eala dahil makakaharap nito ang kanyang kaibigan na si Iva Jovic ng Amerika sa second round Miyerkules ng gabi.
Matatandaang natalo si Eala kay Jovic sa first round ng French Open sa iskor na 4-6, 2-6 noong nakaraang buwan.
Subalit ibang usapan naman ang HSBC Championships dahil grass court ito kumpara sa clay court ng French Open sa Paris, France.
Galing si Eala sa matagumpay na kampanya matapos magkampeon sa Birmingham Open para sa kanyang kauna-unahang grass court title.
“Winning Birmingham last week was a proud moment in my career and it does give me a lot of confidence and it’s left me with good feelings,” ani Eala.
Isang araw lang nakapagpahinga si Eala dahil sabak agad ito sa HSBC Championships.
Ang pagsabak ni Eala sa HSBC Championships at Birmingham Open ay bahagi ng paghahanda nito para sa Wimbledon na magsisimula sa huling bahagi ng buwan.
- Latest















