Macau silat sa TNT

MANILA, Philippines — Sinimulan ng TNT Tropang 5G ang kanilang pagdedepensa sa korona sa pamamagitan ng panalo bagama’t wala ang ilan nilang key players.
Nalampasan ng Tropang 5G ang kinamadang 36 points ng guest team Macau sa fourth quarter para sa 106-103 paglusot sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot si temporary import Darius Days ng 23 points, 6 rebounds at 3 assists para sa 1-0 record ng TNT sa Group A.
Umiskor rin si Rey Nambatac ng 23 points habang may 21 at 11 markers sina Roger Pogoy at Glenn Khobuntin, ayon sa pagkakasunod.
“Obviously, you can’t be satisfied with an ending like that. But at the same time we knew we’re gonna struggle. Number one kulang kami sa players, we’ve got three starters who are not playing,” ani coach Chot Reyes.
Hindi naglaro sina injured Jayson Castro (knee), Calvin Oftana (calf), Poy Erram (knee) at Brandon Ganuelas-Rosser (sprained ankle), habang pansamantalang bumalik si Kelly Williams sa US.
Nagpasabog si import De’Vondre Perry ng 36 points at may 24 markers si point guard Damian Chongqui para sa Macau na laglag sa 0-4 marka.
Ipinoste ng PLDT franchise ang 101-83 kalamangan sa 4:48 minuto ng final canto sa likod nina Pogoy at Nambatac.
Ngunit hindi sumuko ang Macau at nakadikit sa 103-105 mula kina Perry at Chongqui sa natitirang 4.5 segundo ng labanan.
Matapos ang split ni Nambatac sa huling 4.1 segundo para sa three-point lead ng Tropang 5G ay nakuha ni Giant Pandas center Xucheng Liu ang rebound sabay hagis ng bola mula sa halfcourt na hindi pumasok sa pagtunog ng final buzzer.
- Latest





















