Mag-asawang senior citizens pinagsasaksak ng lalaking nakisilong

MANILA, Philippines — Minsan pang napatunayan ang kasabihang huwag basta magtiwala sa estranghero matapos na pagsasaksakin ang mag-asawang senior citizens ng lalaking nakisilong sa gitna nang malakas na buhos ng ulan sa loob ng tindahan ng mga ito Bogo City, Cebu, kamakailan.
Sa ulat ng Bogo City Police, nasa malubhang kalagayan ngayon ang mga biktimang kinilala lamang sa mga pangalang Roberto, 66 at Virginia, 65 anyos.
Base sa imbestigasyon, kasalukuyang nasa loob ng kanilang tindahan ang mag-asawa nang dumating ang lalaki sa kanilang tindahan at makisilong dahilan sa sobrang lakas nang buhos ng ulan.
Dahilan sa malakas na ulan ay inalok ng mag-asawa ang nasabing lalaki na pumasok na lamang pansamantala sa kanilang tindahan dahilan nababasa na ito sa labas ng kanilang sari-sari store.
Gayunman sinabi umano ng nasabing lalaki na sa labas na lang muna siya, pero ilang saglit pa ay pumasok na ito sa tindahan na pinagsasaksak si Virginia.
Akma namang tutulong si Roberto matapos na marinig ang sigaw ng asawa, pero sumunod naman itong pinagsasaksak ng suspect.
Matapos pagsasaksakin ang mag-asawang matanda ay mabilis na namang tumakas ang suspect na umangkas sa motorsiklo na minamaneho ng kasamahan nito. Agad namang isinugod sa pagamutan ng kanilang mga kamag-anak ang mag-asawang matanda.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga awtoridad upang masakote ang suspect.
- Latest

















