VP Sara hinamon sa bank records

Ilabas kung walang itinatago - prosec
MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni Deputy Speaker Paolo Ortega ng La Union ang mariing pagtutol ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa kahilingan ng prosekusyon na maisumite ang mga bank records, ulat mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ayon kay Ortega, isang simple ngunit mahalagang tanong ng mga ordinaryong Pilipino ay kung walang itinatago, bakit natatakot sa pagpalalabas ng mga bank record. Nilinaw ni Ortega na hindi hinihiling ng prosekusyon sa Impeachment Court na hatulang nagkasala ang Bise Presidente batay lamang sa mga paratang.
“What the prosecution is asking is for the Court to allow access to evidence that may help establish the truth. Whether those records ultimately support or weaken the allegations is a matter that should be determined through the judicial process- not prevented from the outset,” saad pa ni Ortega.
Ipinunto ni Ortega na hindi pa usapin ng pagkakasala ang nakasalang, kundi kung dapat bang makita ng Impeachment Court ang mga rekord. Taliwas aniya sa posisyon ng depensa na sinasabing walang makikitang nakaaakusang impormasyon, pero mariing tinututulan ang paglalabas ng mga dokumento.
“Kung ang argumento nila ay wala namang mapatutunayan ang mga bank records, AMLC reports, at tax records, bakit kailangang pigilan ang paglalabas ng mga ito? Hayaan nating ang ebidensiya mismo ang magsalita,” aniya.
Ipinaliwanag din ng Deputy Speaker na ang subpoena ay isang karaniwang legal na mekanismo na ginagamit ng mga hukuman upang makakuha ng mga posibleng mahalagang ebidensiya.
“Ang impeachment ay hindi para protektahan ang mga dokumento. Ang impeachment ay para protektahan ang tiwala ng taumbayan sa mga opisyal ng gobyerno,” ayon pa sa kongresista.
“Ang tanong ngayon ay hindi kung sino ang mas mahusay gumawa ng legal na argumento. Ang tanong ay kung dapat bang makita ng Impeachment Court ang mga ebidensiyang hinihingi ng prosekusyon. Kung naniniwala ang depensa na walang makikitang mali, wala silang dapat ikatakot sa katotohanan,” ani Ortega.
Sa huli, sinabi ni Ortega na ipagpapatuloy ng prosekusyon ang paggamit ng lahat ng legal na paraan upang maiharap sa Impeachment Court ang mga kaugnay na ebidensiya.
- Latest

















