Grade ni Sara ibinida; binara ni Chiz
Sa gitna ng ika-5 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kahapon, naging tampulan ng usapan ang abogado niyang si Mark Vinluan matapos ipagmalaki ang 80% Bar Exam grade ng Bise Presidente.
“Are you aware that the Vice President is a lawyer? That she has, of course, a law degree and passed the Bar Exams? With a first attempt and with a rating of 80 percent, are you aware of this?” tanong ni Vinluan kay National Bureau of Investigation (NBI) official Jeremy Lotoc, testigo ng House prosecution panel, na isa ring abogado. “She has a higher grade than most of the lawyers here,” dagdag pa ng defense counsel.
Pero agad siyang pinutol ni Presiding Officer Sen. Chiz Escudero dahil umano’y “disparaging” at walang kaugnayan sa kaso.
Sa isang impeachment trial na nakasentro sa mabibigat na paratang na grave threats at inciting to sedition, nakakagulat na ang depensa ay bumaling sa grado sa Bar exam. Para bang sinasabi na “magaling siyang abogado, kaya hindi siya gagawa ng kalokohan.” Ngunit sa mata ng publiko, mistula itong palusot na walang bigat.
Ang mabilis na pagtutol ni Escudero ay nagsilbing paalala na hindi sukatan ng integridad ang grado. Ang impeachment ay usapin ng pananagutan, hindi ng academic bragging rights. Sa halip na makatulong, nagmukhang pagmamayabang na walang saysay ang ginawa ni Vinluan.
Imbes na mapalakas ang depensa, lalong lumutang ang impresyon ng elitismo na ginagamit ang grado bilang panangga sa kritisismo. Para sa mga miron, mas mahalaga ang pananagutan sa salita at gawa kaysa sa numero sa transcript.
Ang eksenang ito ay sumasalamin sa kultura ng “credentials over accountability” sa politika. Bagaman mahalaga ang edukasyon at propesyonal na tagumpay, ngunit sa harap ng Senado, ang tanong ay hindi kung gaano kataas ang grado, kundi kung tapat at responsable ba ang pinuno sa kanyang tungkulin.
- Latest
















