Ang ‘Bloodbath’ ni VP Sara
Naging mabilis at matunog ang tugon ni Vice President Sara Duterte sa mga pagdinig ng kanyang impeachment trial sa gitna ng mga batikos at mabibigat na akusasyon. Sa kanyang naging pahayag na nag-viral sa iba’t ibang plataporma ay tahasan niyang inilarawan ang sitwasyon bilang isang “bloodbath” at “bludgeoning” o madugong labanan.
Ngunit ang higit na pumukaw sa atensyon ng publiko ay ang kanyang pangako sa sarili: “I will be bloodied but unbowed.” Ito ay sumisimbolo sa isang lider na handang harapin ang mga pasakit at pampulitikang hampas,ngunit hinding-hindi luluhod o susuko sa kagustuhan ng kanyang mga kalaban.
Para sa mga tagasuporta na sumusubaybay sa kaganapan ang pahayag na ito ay patunay ng kanyang katapangan. Sinasalamin nito ang isang pulitiko na naninindigan sa kanyang mga prinsipyo gaano man kabigat ang mga pagsubok sa gitna ng Senado. Sa kabilang banda,ito rin ay nagpapakita ng matinding lamat sa kasalukuyang estado ng pulitika sa bansa.
Ang “bloodbath” sa kontekstong ito ay hindi literal na karahasan, kundi isang brutal na labanan ng mga ebidensya, paninindigan, at kapangyarihan. Ito ay nagsisilbing paalala na ang demokrasya ay kadalasang dumadaan sa mga unos at matitinding pagsubok bago makamit ang katotohanan. Ang tunay na pagsubok ay kung paano patutunayan ng bawat panig ang kanilang mga panig sa harap ng batas, at kung paano ito tatanggapin ng taumbayan.
Buwelta ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na magiging “bloodbath” o madugo ang proseso kung hindi niya sasagutin ang mga isyu at haharangin ang katotohanan sa mga alegasyon laban sa kanya sa Senado.
Ipinunto ng ilang solon mula sa Mababang Kapulungan na ang pahayag ni Duterte ay hindi dapat gamitin para umiwas sa mga isyu. Sa halip na iwan ang isyu sa mga abogado, hinikayat ng prosekusyon na dapat niyang harapin nang personal ang pagdinig sa impeachment. Kinuwestiyon nila kung paano magkakaroon ng tunay na “bloodbath” kung puro objection ang ginagawa ng kampo ng depensa.
Ano man ang maging kahihinatnan ng “bloodbath” na ito, ang kasaysayan ang magsisilbing hukom kung sino ang tunay na mananatiling unbowed o hindi yumuko sa kagustuhan ng iba.
Abangan natin ito.
- Latest















