Apoy sa Balsa (24)
PAPALUBOG na ang araw nang marating ni Rhea ang roof deck. Matapos ang buong araw na pag-iwas sa kanya ni Kael, nabanggit ng secretary niyang si Amanda na nakita nito ang binata na umakyat sa itaas para magpahinga.
Malakas ang ihip ng hangin sa roof deck, humahalik sa kanyang mukha kasabay ng mabigat na ugong ng mga dambuhalang aircon compressor ng gusali. Sa dulo ng sementadong palapag, nakatayo si Kael. Nakasandal ito sa unahang barandilya, nakatalikod, at nakatitig sa kahel at abong kulay ng langit.
Narinig ni Kael ang pagsara ng mabigat na bakal na pinto. Akala niya ay isa sa mga kapwa niya messenger ang dumating, ngunit nang lumingon siya at makita si Rhea, na suot pa rin ang pormal na corporate attire pero halatang pagod ang mga mata, ay agad na tumikas ang kaniyang tindig.
“Mam Rhea,” pormal nitong bati. “Mausok at mainit po rito.”
“Hindi ako pumunta rito para magpahangin, nandito ako para kausapin ka.” seryosong sagot ni Rhea, humahakbang palapit habang nililipad ng hangin ang kanyang buhok. “At huwag mo akong matawag na Mam ngayon lalo na’t hindi mo sinasagot ang message ko sa’yo kagabi.”
Nag-iwas ng tingin si Kael, ibinalik ang paningin sa mga nagtatayugang gusali sa ibaba. “Wala naman tayong dapat pag-usapan. Alam ko namang busy ka kagabi.”
“Inutusan ako ng boss ko na samahan si Marco dahil sa account ng kompanya niya,” pag-amin ni Rhea, diretsahan at walang preno. Huminto siya ilang hakbang lang ang layo sa binata. “Pero alam mo ba kung anong ginawa ko? Tinanggihan ko siya, Kael. Sinabi ko sa kanya na hindi ko kayang magkunwari na gusto ko siyang kasama, dahil buong gabi, ang tanging laman ng isip ko ay kung nakauwi ka ba nang maayos.”
Bahagyang nangatal ang mga balikat ni Kael sa narinig. Lumingon siya nang pabalik, ang kanyang seryoso at galit-galitan na maskara ay tuluyan nang natuklap, at ang natitirang emosyon sa kanyang mukha ay isang matinding pagod at takot.
“Bakit mo ba ginagawa ’to, Rhea?” gumaralgal ang boses ni Kael, sa unang pagkakataon ay tinawag niya ito sa pangalan nito sa loob ng opisina. “Para saan? Para patunayan na mabuti kang tao? Na kaya mong bumaba sa antas ko?”
“Ginagawa ko ’to kasi hindi ko na kayang mag-sinungaling!” sigaw ni Rhea laban sa ugong ng hangin. Lumapit pa siya, tuluyang binura ang agwat sa pagitan nila hanggang sa dulo na lang ng mga sapatos nila ang magkatapat. “Natatakot ako, Kael. Natatakot ako dahil ngayon lang may lalaking gumulo sa mundo ko nang ganito.”
Itutuloy
- Latest


















