Kelot kulong sa pekeng robbery incident

Nag-report sa Quezon City 911
MANILA, Philippines — Kalaboso ang 21-anyos na lalaki matapos mag-report ng pekeng insidente ng robbery sa emergency hotline 911 ng Quezon City Police District (QCPD), ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni QCPD Director, PBGen. Randy Glenn Silvio ang suspek na si alyas “Marcelino”, 21, residente ng Brgy. Roxas, Quezon City.
Ayon kay PLtCol. Aljun Belista, hepe ng Kamuning Police Station 10 ng QCPD, unang iniulat ng suspek sa hotline 911 na siya ay nabiktima ng robbery-holdup sa Champaca St., Brgy. Roxas, sa lungsod.
Nang maglaon, personal siyang humarap sa himpilan ng pulisya at sinabing ninakawan siya ng P87,000 cash at isang iPhone XR sa transaksyon para sa pagbili ng isang gintong pulseras.
Agad naman nagsagawa ng follow-up operations ang mga pulis upang maberipika ang umano’y insidente at matukoy ang mga umano’y kawatan.
Gayunpaman, nang magsagawa ng CCTV backtracking at area verification ang mga awtoridad ay wala umano silang nakitang nangyaring robbery incident sa iniulat na lugar at oras.
Wala ring nakitang ebidensya ang mga imbestigador na may naganap na transaksyon na may kinalaman sa pagbili ng gintong pulseras dahilan upang arestuhin ang suspek.
Nabatid na ang suspek ay sangkot umano sa mga aktibidad ng ilegal na droga sa Brgy. Roxas at mga kalapit na barangay.
Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code, o mas kilala bilang Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances.
- Latest
















