10K kailangang mailikas sa Quezon City kada may bagyo dahil sa climate change
MANILA, Philippines — Umaabot sa 10,000 mga evacuees ang kailangang ilipat ng Quezon City government sa mas ligtas na lugar sa tuwing may dumarating na kalamidad partikular ang bagyo at pag-uulan.
Ito ang sinabi ni QC Mayor Joy Belmonte batay sa kasalukuyang karanasan sa klima sa ngayon nang ilunsad ang Earth Hour Philippines 2023 sa QC hall kahapon.
“Noon pag may bagyo hindi kailangan maglipat ng mga tao, pero ngayon kailangan natin mailipat sa mga evacuation center ang may sampung libong evacuees dahil sa paglala ng weather disturbance. Kailangan natin ngayon na mag-organize ng camp site, paano sila pakakainin,gagastos tayo ng pampalinis dahil sa mga nahulog na debris madaming epekto ang climate change na noon ay walang ganyan,” sabi ni Mayor Belmonte.
Sinabi pa ni Belmonte na dahil sa mga pangyayaring ito ay nakikiisa ang QC LGU at gustong ipakita sa mundo na kinikilala ng lungsod ang pangangailangan, magtulungan at mag-usap ang bawat isa sa pagkontrol sa epekto ng climate change.
Anya ang unang agenda hinggil dito ng QC LGU ay pawang mga positive climate action para pangalagaan ang kalikasan at kapaligaran maging ang pamayanan.
Sinabi rin nito na committed ang QC na itaguyod at isulong ang climate action, tulad ng pag-solarized sa mga paaralan at mga ospital.
Hinikayat din ni Mayor Belmonte ang mga government offices na nasa QC na mag-solarized na rin para makatulong na maiwasan ang epekto ng climate change.
- Latest



















