Puro sila Salawahan
Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lamang akong Aleli, twenty-six years-old na po ako. Bagama’t lampas na ako sa tamang edad, nangangamba akong umibig o makipagrelasyon. May dalawa po akong naging boyfriend na hindi ko nakatuluyan. Parehong dahilan nila ay napikot daw sila.
Umibig uli ako. Sa lalaking ito ay naibuhos ko ang lahat-lahat. Sabihin na nating puso lang ang aking ginamit. Kahit ayaw sa kanya ng nanay ko at kahit may negative comments ang aking mga kaibigan, nanaig sa akin ang feelings na siya na nga ang gusto kong makasama habambuhay.
Nagplano kaming magpakasal last year pero muli, nabigla ako sa nalaman kong may itinanan siya na hindi naman niya girlfriend. Tanging paliwanag niya, hindi raw niya gustong mangyari ang lahat. Huli na nang siya ay mahimasmasan.
Paano pa ako magtitiwala sa sino mang lalaki kung pare-pareho sila? May nanliligaw uli sa akin ngayon pero parang naibubunton ko ang galit ko sa iba kong nakarelasyon sa kanya. Ano ang gagawin ko?
Aleli
Dear Aleli,
Hindi kita masisisi kung ganyan ang maging attitude mo sa mga kalalakihan. Hindi ko maunawaan kung bakit sunud-sunod ang ganyang trahedya sa pag-ibig ang inabot mo. Ngunit hindi naman lahat ng lalaki ay pare-pareho. Nagkataon lang marahil na pare-parehong salawahan ang mga naging boyfriend mo. Hindi ko alam kung ikinuwento mo nang buong-buo ang kasaysayan mo pero ang masasabi ko, isa sa mga dahilan kung bakit iniiwanan ng lalaki ang kasintahan ay ‘yung pagiging madaling makuha ang pagkababae.
Hindi ko sinasabing ganyan ka nga, pero kung sakali lang, huwag mong ibibigay kaagad ang iyong pagkababae sa sino mang maging boyfriend mo para igalang ka. Moderno man ang panahon natin, hinahanap pa rin ng mga kalalakihan ang virginity kaya dapat na pahalagahan ito ng babae.
Dr. Love
- Latest
















