PLLO bumuo ng futures thinking unit para pabilisin ang mga reporma
MANILA, Philippines — BUMUO ang Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) ng Design, Research, Analysis, and Futures Thinking (DRAFT) Unit upang makatulong sa mas mabilis at mas maagap na pagbuo ng mga batas at reporma ng administrasyon.
Ayon kay PLLO Secretary Joey Salceda, layunin ng bagong yunit na gawing mas anticipatory ang legislative agenda ng pamahalaan, lalo na’t marami sa mga prayoridad na panukalang batas ay mga pag-amyenda lamang sa umiiral na mga batas.
Sinabi ni Salceda na mahalagang maagapan ang mga pagbabago at makabuo ng mga polisiyang kayang umangkop sa mga nagbabagong sitwasyon.
Dagdag niya, mahalaga ito sa isang presidential system kung saan madalas na matagal ang proseso ng pag-amyenda ng mga batas.
Ayon sa PLLO, ang DRAFT Unit ay kabilang sa mga unang dedicated futures thinking units sa pamahalaan at magsisilbi ring suporta sa iba pang tanggapan sa ilalim ng Office of the President nang hindi nadodoble ang kanilang mga tungkulin.
- Latest






















