VP Sara imbitado sa SONA ni Marcos
MANILA, Philippines — Bagama’t hindi inaasahang dadalo, nanatiling kabilang si Vice President Sara Duterte sa listahan ng mga VIPs (very important persons) na imbitado sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “PBBM” sa Lunes o Hulyo 27.
Ayon kay House Secretary Cheloy Garafil, bilang Bise Presidente at kahit na tinutuligsa si PBBM ay bahagi ng protocol na imbitahan ito sa SONA kasama ang mga dating Pangulo, Cabinet officials, foreign dignitaries at iba pang mahahalagang personalidad.
Kinumpirma ni Garafil na naipadala na kamakailan ang imbitasyon kay VP Sara para dumalo sa SONA ng punong ehekutibo.
Noong Martes ay inihayag ng Office of the Vice President (OVP) na umalis sa bansa si VP Sara noong Hulyo 16 para sa trip nito sa Qatar, United Kingdom (UK) at sa The Netherlands kung saan dadalawin nito ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakakulong sa The Hague sa kasong crime against humanity.
Si VP Sara ay ilang beses nang iniisnab ang SONA ni PBBM matapos itong kumalas ng suporta sa Pangulo.
Sa tala si VP Duterte ay huling dumalo sa SONA ni PBBM noong Hulyo 2023 noong maayos pa ang relasyon sa pagitan ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa.
Nahaharap si VP Sara sa paglilitis sa Senate Impeachment Court sa inihaing Articles of Impeachment ng mga kaalyado ni Pangulong Marcos sa Kamara. Samantala, umaasa ang ilang mga Kongresista na sesentro ang SONA ng Pangulo sa edukasyon, kalusugan, agrikultura, ekonomiya at iba pa.
- Latest















