Dobleng pondo sa Taguig Project, binisto ni Lacson
MANILA, Philippines — Inilantad ni Senador Panfilo Lacson ang panibagong anomalya sa slope protection projects ng Taguig City, na umano’y may dobleng appropriations sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay Lacson, nadiskubre ng kanyang team ang tatlong karagdagang proyekto na tig-P100 milyon bawat isa, na nag-angat sa kabuuang halaga ng mga insertions sa Taguig sa P2.385 bilyon.
Bukod dito, may dalawang magkahiwalay na item na parehong P100 milyon para sa iisang slope protection project na nagpahiwatig na isa rito ay maaaring ghost project.
“From P2.085-B as earlier reported we found three-P100-M additional slope protection projects for a new total of P2.385-B insertions under the 2025 GAA. Two items appear to be double appropriations… One of the two must be ghost,” ani Lacson sa kanyang post sa X.
Kabilang sa mga natuklasan ang mga proyektong kinasasangkutan ng mga kumpanyang pag-aari ng mga Discaya, na ipinatupad umano ng ibang contractor sa ilalim ng 5% royalty scheme.
May mga proyektong iginawad din sa Topnotch Catalyst Builders, isa sa 15 pinakamalalaking flood control contractors na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon.
Ang mga proyektong ito ay nagsimula pa noong 2019–2020, sa panahon ni Alan Peter Cayetano bilang Speaker ng House of Representatives.
- Latest

























