Bulag nakakita sa bagong implant
Malaki ang potensiyal ng napaulat kamakailan na PRIMA retinal implant system, isang makabagong teknolohiyang nakatulong na maibalik ang ilang kakayahan sa paningin ng mga pasyenteng nabulag dahil sa sakit sa retina. Sa isinagawang clinical trial sa Europa, may mga pasyenteng muling nakabasa ng malalaking titik, nakilala ang ilang mukha at nakaguhit pa ng mga simpleng hugis mga kakayahang matagal na nilang nawala dahil sa kanilang kondisyon.
Ang PRIMA implant ay mas maliit pa sa isang contact lens. Inilalagay ito sa ilalim ng retina ng mata. Ngunit, para makakita, ang pasyente ay kailangan ding magsuot ng espesyal na salamin na may camera at projection module.
Sa resulta ng pag-aaral na inilathala sa New England Journal of Medicine, bahagyang bumuti ang paningin ng 26 sa 32 pasyenteng sumailalim sa clinical trial. Bagama’t hindi pa naibabalik ang normal na paningin, malaking hakbang na ang kakayahang makakita ng mga hugis, letra at ilang detalye na dati ay hindi na nila nakikita.
Hindi pa nga lamang opisyal na naaaprubahan ng mga regulatory authority ang PRIMA para sa pangkalahatang paggamit. Pangunahing tina-target nito ang geographic atrophy, ang malubhang yugto ng age-related macular degeneration (AMD), isa sa pangunahing sanhi ng pagkabulag sa matatanda. Sinusuri rin ng mga mananaliksik kung maaari rin itong makatulong sa ibang sakit sa retina, kabilang ang Stargardt disease.
Gayunman, hindi ito ang unang teknolohiyang nagbigay ng pag-asa sa mga bulag. Sa nakalipas na dalawa o tatlong dekada, sunud-sunod ang mga pag-unlad sa larangan ng pagpapanumbalik ng paningin. Nagkaroon ng retinal implants, gene therapy, stem cell therapy, optogenetic treatment at maging mga implant na direktang kumokonekta sa bahagi ng utak na tumatanggap ng impormasyon tungkol sa paningin. Ang ilan sa mga ito ay nagpakita na rin ng magagandang resulta sa laboratoryo at clinical trials.
Subalit wala pa ring iisang lunas para sa lahat ng uri ng pagkabulag. Hindi pare-pareho ang sanhi ng pagkawala ng paningin. Karamihan sa mga bagong teknolohiyang ito ay nasa yugto pa rin ng clinical trials, napakamahal, at nangangailangan ng espesyal na operasyon at mahabang rehabilitasyon.
Gayunman, hindi dapat maliitin ang kahalagahan ng mga ganitong imbensiyon. Kung noong nakaraan ay tila imposibleng makakita muli ang isang taong tuluyang nabulag dahil sa sakit sa retina, ngayon ay unti-unti nang nagiging realidad ang dating tila nasa larangan lamang ng science fiction.
Nakakalungkot lamang isipin na kasabay ng pag-unlad ng siyensiya ay nananatili ang isang malaking hadlang ang napakataas na halaga ng mga bagong teknolohiyang ito. Marahil ay marami pang taon ang lilipas bago ito maging abot-kaya ng karaniwang pasyente. Ngunit sa ngayon, ang pinakamahalagang naibibigay ng mga ganitong imbensiyon ay pag-asa na muling makakita ang mga nawalan ng paningin.
* ** * * * * * * *
Email - [email protected]
- Latest




















