Kano na ex-propesor inutas sa harap ni misis

MANILA, Philippines — Pinaslang sa harapan ng kaniyang misis ang isang 73-anyos na dating Amerikanong professor matapos na pasukin ng tatlong mga armadong kalalakihan ang tahanan nito sa Brgy. Ajong, Sibulan, Negros Oriental kamakalawa.
Sa report, sinabi ni P/Capt. Stephen Polinar, Spokesperson ng Negros Oriental Police, dead-on-the spot ang hindi pa pinangalanang biktima, dating professor ng Siliman State University sa Dumaguete.
Ayon sa imbestigasyon, nanonood ng telebisyon ang biktima at misis nito sa kanilang tahanan nang biglang pasukin ng tatlong suspect. Armado ng hindi natukoy na kalibre ng armas ay bigla na lamang pinagbabaril ng mga salarin ang biktima na nasapol ng tama ng bala sa ulo.
Hindi naman sinaktan ng mga suspect ang misis ng biktima na na-trauma sa insidente.
Ang mga suspect ay mabilis na nagsitakas matapos ang krimen. Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Negros Oriental Police upang imbestigahan ang insidente at matukoy ang motibo ng krimen.
- Latest
























