Insidente ng karahasan sa iskul mas dumami
Matapos ang Tacloban shooting
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Education (DepEd) na nakapagtala pa sila ng mas maraming insidente ng karahasan sa mga paaralan matapos ang naganap na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte noong nakaraang buwan.
Ayon kay DepEd Undersecretary Malcolm Garma, bagamat dati na silang nakakapagtala ng school violence, mas dumami aniya ito matapos na maganap ang Tacloban shooting noong Hunyo 22.
Sinabi pa ni Garma na karamihan sa mga ito, na labis na ikinababahala ng DepEd, ay ang mga bomb at shooting threats.
Dagdag pa niya, sa kanilang pakikipagpulong sa PNP, sinabi nito na maaaring nagkakaroon na ng ‘copycat phenomenon’.
“Sabi po ng PNP when we had a meeting with them, so there’s always the tendency of the phenomenon of copycat so nagiging mas curious, sila especially knowing the story behind the Tacloban incident,” dagdag ni Garma.
Inamin din niya na kailangan ng DepEd ng tulong upang maiwasan ang copycat phenomenon. Bukod dito, nakatanggap din aniya sila ng impormasyon na mas marami ring nag-download ng video game GoreBox matapos na maganap ang Tacloban shooting.
Una nang sinabi ng mga awtoridad na isa sa mga menor-de-edad na sangkot sa pamamaril sa Tacloban ay naglalaro ng GoreBox.
- Latest


















