Marcoleta ‘di pa ‘fit for trial’ — PNP

MANILA, Philippines — Nasa stable condition na si Sen. Rodante Marcoleta subalit hindi pa umano maaaring humarap sa court hearing.
Ayon ay PLt. Col. Benaly Bayani, Chief of Internal Medicine ng PNP-General Hospital, bagaman stable na ang kondisyon ni Marcoleta, hindi pa “fit for trial” ang senador dahil dumaraing pa rin ito ng paninikip ng dibdib at batok. Bukod dito, mataas pa rin ang kaniyang blood pressure na naglalaro sa 130 over 80 hanggang 140 over 100.
Sumailalim din ito sa mga laboratory test kabilang ang ECG, blood chemistry test, X-ray, at 2D echo. Pagkatapos lumabas ang laboratory result ay saka pa lang aalamin ang procedures o workups para sa senador.
Samantala, bandang alas-7:43 ng umaga kahapon nang bisitahin ni Vice Pres. Sara Duterte si Marcoleta kasunod ng impormasyon na dalawang araw pa itong maaaring manatili sa PNP-GH.
Matandaang naaresto sina Marcoleta, dating congressman Mike Defensor at negosyanteng si Joseph Espiritu nitong Lunes matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Third Division kaugnay ng P75 milyong plunder case na isinampa laban sa kanya ng Ombudsman. Kaugnay ito ng umano’y hindi idineklarang campaign donation para sa kanyang 2025 senatorial bid.
Naaresto na rin bandang alas-6 ng gabi nitong Lunes ang isa pang akusado na si Aristotle Viray. Sina Defensor, Espiritu at Viray ay pawang nakapiit na sa QC Jail.
- Latest























