VP Sara: Opinyon ng Pangulo walang halaga

MANILA, Philippines — Iginiit kahapon ni Vice Pres. Sara Duterte na walang halaga ang opinyon ng isang pangulo sa impeachment proceedings. Kasunod ito ng pahayag ng Malacañang na mas mainam na personal na humarap si VP Sara sa paglilitis upang sagutin ang mga paratang laban sa kanya.
Sa isang pahayag na inilabas kahapon, na unang araw ng impeachment trial laban sa kanya, sinabi ni VP Sara na ang impeachment proceedings ay dapat na ginagabayan ng Konstitusyon at ng due process.
Ayon kay VP Sara, ang respondent ay may karapatang katawanin ng abogado at ang desisyon na personal na tumestigo ay isang usapin ng legal strategy at constitutional rights.
Binigyang-diin din niya na ang pasanin na patunayang totoo ang kaso ay nasa balikat ng prosekusyon at ang pagpili na humarap sa pamamagitan ng mga abogado sa halip na personal na tumestigo ay hindi nakakabawas ng accountability o nagpapahiwatig ng kawalan ng transparency.
Nanindigan din siya na ang integridad ng impeachment trial ay nakasalalay sa pagtalima sa tuntunin ng batas at hindi sa personal na pagtestigo ng respondent. Inihayag din ng bise presidente na sa lahat ng pagkakataon, mas higit na nakapagsisilbi ang mga public official kung pananatilihin na lamang sa kanilang sarili ang kanilang personal na opinyon.
- Latest




















