Lending collector, itinumba habang naniningil

MANILA, Philippines — Isang kolektor ng lending company ang nasawi matapos na pagbabarilin ng hindi nakilalang gunman sa Zone-5, Brgy.Perpetual Help, Iriga City, Camarines Sur, kamakalawa ng umaga.
Ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa katawan ay kinilalang si Edgar, nasa hustong gulang, kawani ng hindi na binanggit na lending company mula sa bayan ng Pili.
Sa ulat, alas-7:00 ng umaga habang naniningil ang biktima sa harap ng isang tindahan nang lapitan ng nag-iisang gunman na nakasuot ng puting t-shirt at sumbrero.
Alang kaabog-abog na pinagbabaril ito sa katawan na duguang bumulagta habang ang gunman ay kaswal na naglakad patungo sa isang motorsiklo na naghihintay sa kanya at tumakas papunta sa direksyon ng Brgy.San Agustin.
Nakuha ng mga pulis sa lugar ang ilang basyo ng bala mula sa Kalibre 45. Isinantabi ang motibo nang panghoholdap o pagnanakaw dahil walang nawala at kinuha sa gamit ng biktima.
Tinututukan ay ang natatanggap umanong pagbabanta sa biktima bago ito pinaslang.
- Latest















