‘Paihi’ pakatutukan ni P/Col. John Guiagui
MUKHANG nasa tamang landas itong si P/Col. John Guiagui ng Philippine National Police (PNP) National Capital Region of Criminal Investigation and Detection Group (NCR-CIDG) na pagkatutukan itong naglilipanang illegal na operasyon ng Illegal Fuel Trading “Paihi”. Kasi napakalaking datung ang nawawala sa kaban ng bayan dahil ni isang katiting ay walang naku-kolekta ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga tusong negosyante.
Sa ngayon kasi na taas baba ang presyo ng petrolyo dahil sa kaguluhan nagaganap sa Gitnang Silangan at ilang bansa na pinanggagalingan ng langis aba’y, nararapat lamang na ang lahat ng petrolyo ay dumaraan sa masusing pagmomonitor ng pamahalaan. Kung sabagay noon pang mga panahon na namamayagpag itong mga tusong negosyante sa pagkupo sa mga illegal na petroleum trading sa bansa at kadalasan nabubutata ang mga law enforcers natin dahil nga ang mga nasa likod nito alam naman natin sa may mga mataas na tao kabilang na riyan itong mga gahamang mga politiko at maging sa malalapit sa administrasyon. Hehe! Idagdag pa natin diyan itong mga ‘Bugok’ na mga kapulisan na nagsisilbing protector ng ‘Paihi’ syndicate.
Sa ilalim ng liderato ni P/Col. Guiagui, naipokus ang operasyon sa iba’t ibang grupo na ang ilan sa mga ito ay nakilala na, doon na sinimulan nitong si Guaigui ang matahimik at maalam na operasyon kaya’t ang inabot ay himas rehas na ngayon. Get nyo mga suki? Sa nakalipas na operasyon sa katubigan ng Tanza at Navotas ay naging matagumpay kung saan na-intercept ang illegal activities sa karagatan. Hindi lang sila tumutok roon dahil mas pinalawak pa nila ang kanilang monitoring at operasyon at lumabas na mga report na ang kanilang mga nahuli ang naka-konek sa malaking financers sa mas kilalang ‘Palawan’.
Mukhang hindi binigo ni P/Col. John Guaigui ang kanyang mga hepe at maging si PNP chief P/Gen. Jose Melencio Nartez Jr., dahil sa pagiging positibo sa paghuli at pagkilala ang mga sindikato na matagal na namamayagpag. Malaking challenge ito para sa kredibilidad ni Guiagui dahil alam naman natin na ang mga nasa likod pa nitong ‘Paihi’ ay laang gumastos ng limpak-limpak na datung upang sirain ang mga matitinong pulis. Ngunit kung tatanungin ang Madalang Pipol abay, nararapat lamang na kalusin na itong ‘Paihi’ o Illegal Petroleum Trading sa bansa dahil malaking datung ang nawawala sa kaban ng bayan.
Sa bawat mahuhuli sa mga ito ay dapat na sampahan ng ‘Economic Sabotage’ na walang piyansa upang mabulok na ang mga ito sa kulungan. Kaya’t kung may alam kayong hindi kanais-nais na illegal petroleum trading o paihi sa inyong lugar, mangyaring ipagbigay alam agad ito sa pinakamalapit na istasyon ng kapulisan o mismo sa tangapan ni P/Col. Jahn Guaigui sa NCR-CIDG dahil siguradong ma-aaksyunan ang inyong sumbong. Abangan!
- Latest
















