Kap Nemo, kumita ng P12 milyon!
Biglang yaman ni jueteng lord Kap Nemo. Bakit? Itinakbo kasi ni Kap Nemo ang P12 milyon na ipinagkatiwala sa kanya ng amo n’ya. Parang tumama lang sa Lotto itong si Kap Nemo, no mga kosa? Sa ngayon, nagtatago na si Kap Nemo at hindi na rin s’ya makontak sa fone number n’ya. Wanted na si Kap Nemo? At ang naiwang nakanganga, ay ang amo n’ya na nagtiwala sa kanya ng milyones na pitsa. Maibabalik pa kaya ang pera? Ano sa tingin n’yo mga kosa?
Marami sa mga kosa ko na intiendido sa 1602 ang nagsasabing malabo ng maibalik ang pitsa. Purbidang yawaahhhhh! Kasi sa kalakaran ng illegal gambling, wala namang resibo o dokumento ang usapan dito. Puro “word of honor” lang ang kalakaran. Mismooooo! Kaya hindi na takot manggantso ‘yang si Kap Nemo dahil survivor sa mga ambush ‘yan! Hehehe! Ilang beses na ba?
Hindi lang naman pitsa ang hinahabol kay Kap Nemo. Sinabi ng mga kosa ko na si Kap Nemo rin ang main suspect sa pagkasunog ng draw court ng jueteng na matatagpuan sa Bgy. Sipe, Daraga, Albay. Ano ba ‘yan? Ano naman kaya ang motibo ni Kap Nemo para sunugin ang draw court, ang importanteng bagay sa pinagkakakitaan n’yang jueteng? Sinabi ng mga kosa ko na bago nagsimula ang sunog, may naka-motorsiklo, na ang mga sakay ay naka-bonnet, ang pumarada sa tabi ng draw court. Sa pag-alis nila, biglang nangamoy ng gasolina ang draw court at maya-maya ay sumiklab ang sunog. Ang findings naman ng fire investigators sa Albay, ang sunog ay sinadya. Araguyyyyy! Kung sabagay, sanay naman sa kaso itong si Kap Nemo. Dipugaaaaa! Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Dahil hindi alam ng mga kubrador n’ya na nasunog ang draw court nila, tuloy lang na nangubra ng taya ang mga ito. Pero dahil kasama sa itinakbong pera ni Kap Nemo ang weekly payola ng “top to bottom” na kausap n’ya, abayyyyy pinaghuhuli ng mga pulis ang mga kubrador n’ya. Suma total, umaabot sa P320,000 ang bail bond ng mga nakakulong na mga kubrador at ang tanong sa ngayon, sino ang sasagot ng piyansa nila? Sa legal na kalakaran kasi, itong si Kap Nemo ang dapat managot nito. Kaya lang, hindi nga s’ya mahagilap kaya’t kawawa naman ang nakukulong na mga kubrador, pati ang pamilya nila na umaasa sa kanila. Get’s n’yo mga kosa? Sanamgan!
Dahil wala ng draw court, sarado ang jueteng ni Ka Nemo. May gustong mag-gerilya kaya lang ayaw ng mga mananaya dahil gusto nila may live draw ng winning combinations para naman hindi sila madaya. Ganun na nga! Sa nangyaring ito kay Kap Nemo, mukhang mahihirapan na s’yang bumalik sa jueteng, na kinalakihan n’ya. Basang-basa na kasi ang papel n’ya! Araguyyyyy! Ayos ba Boss Jun Alegre? Abangan!
- Latest















