Lalaking nanaksak ng kainumang babae, timbog
MANILA, Philippines — Arestado ang isang 42-anyos na lalaki sa tulong ng concerned citizen na saksi sa pananaksak sa babae sa harap ng anak, sa Taguig City, madaling araw ng Sabado.
Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director Police Brig. General Glenn Oliver Cinco, ang suspek ay ilang oras lamang matapos ang pananaksak, nang makorner ng mga tauhan ni Taguig Police chief, P/Colonel Julius Anonuevo, ala-1:00 ng madaling araw ng Hunyo 21, 2026, habang papatakas sa Barangay Palingon-Tipas, Taguig City.
Sa imbestigasyon, una nag-iinuman ang suspek at ang biktima sa Barangay Calzada-Tipas at dakong alas-10:00 ng gabi nang magsabi ang huli na uuwi na siya ng bahay at ang kasamang anak.
Nagboluntaryo naman umano ang suspek na ihahatid na sila pauwi ng kanilang bahay.
Pagsapit sa harapan ng Dragon Smash, sa Cayetano Avenue, Brgy. Palingon-Tipas ay biglang bumunot ng kutsilyo ang suspek, inundayan ang biktima sa kaliwang pisngi na nagkasugat hanggang sa kaliwang bahagi ng leeg.
Isang saksi na nakakita sa pangyayari ang agad na ini-report sa Barangay Security Force ng Brgy. Palingon-Tipas at ipinarating sa Taguig Substation 5.
Agad na rumesponde ang mga pulis at nadakip ang suspek at nabawi rin ang kutsilyo na ginamit sa krimen.
Ginagamot pa sa ospital ang biktima na nagtamo ng malubhang sugat. Wala pang motibo sa krimen at hindi malinaw kung ano ang relasyon ng suspek sa biktima.
Inihahanda na ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Taguig CPS ang pagsasailalim sa suspek sa reklamong frustrated murder sa Taguig City Prosecutor’s Office.
- Latest
















