Brownlee, McCullough babalik sa PBA Season 51
MANILA, Philippines — Anuman ang maging resulta ng kanilang bigating duwelo, isa lang ang sigurado at iyon ay ang pagbabalik nila Justin Brownlee ng Barangay Ginebra at Chris McCullough ng Talk ‘N Text sa mga susunod na import-laden conference ng PBA.
Nagawa lang naman ng 2 pambatong reinforcements ang hindi pa naitatala ng kahit sinong imports sa loob ng halos 3 dekada matapos ang makasaysayang pagtatapat sa Game 6 ng PBA Season 50 Commissioner’s Cup finals.
Ito ang nagbigay daan sa inaabangang winner-take-all Game 7 kung saan nakataya ang pagdepensa ng TNT sa trono nito o ang pagbabalik sa taluktok ng PBA ng Ginebra matapos ang 3 taon.
Bago ito, nasaksihan ng buong Pilipinas ang maalamat na one-on-one duel tampok ang 53 puntos ni McCullough upang madaig ang 52 puntos ni Brownlee sa 98-90 panalo ng TNT sa Game 6.
Bagong career-high ito para sa 31-anyos na si McCullough sahog pa ang career-best din na 22 rebounds upang malagpasan ang 51 puntos niya noong 2019 Commissioner’s Cup para sa dating champion team din na San Miguel kontra sa Rain or Shine sa semifinals.
Para kay Brownlee, ito ang kanyang ikalawang sunod at ikaapat sa kabuuan na 50-point game matapos kumamada ng 54 sa 100-95 overtime win ng Gin Kings.
Ang 38-anyos na si Brownlee na naturalized player din ng Gilas Pilipinas ang unang import sa 37 taon na nakaiskor ng back-to-back 50 points buhat nang umiskor ng 52 puntos o higit pa si Carlos Briggs ng Añejo Rum sa unang 5 laro ng 1989 Reinforced Conference kontra sa SMB.
Subalit higit doon ay ang pagiging unang imports nina Brownlee at McCullough na nakabuslo ng 50 puntos o higit simula noong 1989.
- Latest





















