Gentle Dance inindakan ang 2nd Leg Triple Crown
MANILA, Philippines — Sumalida ng maganda sa largahan ang dehadong Gentle Dance kaya naman nanalo ito ng banderang tapos sa naganap na 2026 PHILRACOM - PCSO “2nd Leg Triple Crown Stakes Race” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Mabilis na lumabas ng aparato ang fourth choice na Gentle Dance upang hawakan agad ang unahan, nakasunod ang Everest habang nasa pangatlo ang liyamadong Isa Bell.
Kahit dumidikit ang Everest ay hindi hinayaan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patty Ramos Dilema na maungusan ang sakay nitong Gentle Dance.
Patuloy ang pamamayagpag ng Gentle Dance sa kalagitnaan ng karera kung saan ay dalawang kabayo ang agwat nito sa segundang Everest nasa pangatlo pa rin ang first leg winner Isa Bell.
Hindi nagbago ang puwesto ng mga kabayo sa far turn, nasa unahan pa rin ang Gentle Dance, pangalawa ang Everest at pangatlo ang Isa Bell, nasa pang-apat naman ang Black Eagle.
Determinado ang Gentle Dance na manalo kaya nasa unahan pa rin ito pagliko sa huling kurbada sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Lalong ginanahan ang Gentle Dance sa rektahan kaya tuluyan na nitong iniwanan ang mga katunggali upang masilo ang pangalawang leg.
Tinawid ng Gentle Dance ang meta ng may limang kabayo ang agwat sa pumangalawang Everest, tersero ang Black Eagle habang pumang-apat ang Isa Bell.
Nirehsitro ng Gentle Dance ang 1:56 minuto sa 1,800 meter race.
- Latest
















