Majority bloc handa sa anumang maruming balak ni Cayetano
Sa Senate special session
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Senador Panfilo Lacson na nakahanda umano ang majority bloc ng Senado na pinamumunuan ni Senate President Pro Tempore at acting Senate President Sherwin Gatchalian sa anumang maruming balak ni ex-Senate President Alan Peter Cayetano sa special session ng Senado.
Ayon kay Lacson, habang kinikilala ng halos lahat maliban kay Cayetano at iilang kaalyado nito si Gatchalian bilang lider ng Senado, ipinakita na ni Cayetano na kaya niyang gawin ang kahit ano upang kumapit sa “puwesto.”
Nang tanungin tungkol sa posibilidad na agawin ni Cayetano ang podium sa espesyal na sesyon, sinabi ni Lacson na “capable” itong gawin ni Cayetano dahil “mahilig siya sa ganyan.”
Giit niya, labis ang pagkahumaling ni Cayetano sa kapangyarihan kaya handa itong balewalain ang realidad at gumawa ng eksena, kahit na malinaw na ipinapakita ng “practical reality” na kinikilala na ng lahat ng kaukulang awtoridad at stakeholder ang liderato ni Gatchalian.
Ani Lacson, maging ang ilan sa mga kaalyado ni Cayetano sa ngayo’y minority bloc ay hindi na rin gaanong lantad sa pagsuporta sa kanyang pag-angkin sa pagkapangulo ng Senado.
Muli ring iginiit ni Lacson na kapag natuloy ang espesyal na sesyon, dapat umiwas si Cayetano sa paggawa ng gulo sa mga proceedings at sa halip ay makilahok sa talakayan sa plenaryo kasama ang iba pang senador sa halip na sa Facebook.
- Latest















