Cayetano ikinumpara sarili kay Ninoy, sinopla!
MANILA, Philippines — Binatikos ng grupong August Twenty-One Movement (ATOM) si Senador Alan Peter Cayetano dahil sa pagkukumpara ng kanyang pakikibaka sa liderato ng Senado sa naging sakripisyo ni dating Senator Ninoy Aquino laban sa diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sinabi ng grupong ATOM na ang pahayag ni Cayetano ay “laughable and delusional”.
Sa halos 40-minutong Facebook live nitong Biyernes ni Cayetano, tinalakay nito ang presyo ng pagiging bayaning Filipino para makamtan ng bansa ang kalayaan at inihalintulad ang kanyang grupo sa laban para sa kalayaan ng Senado mula sa aniya ay impluwensya ng Malakanyang.
Sumensyas din ang Senador ng “L” na ang ibig sabihin ay “Laban” na siyang kilalang simbolo na ginagamit ng mga nagpo-protesta laban sa rehimeng Marcos Sr. Tinawag ng ATOM ang pag-aakin sa simbolo bilang katawa-tawa at lubhang nakakainsulto.
Giit ng grupo, si Aquino ay isang personalidad ng oposisyon, ikinulong sa isang piitan ng militar noong panahon ng diktadura, ay lumaban sa pasismo, katiwalian at kawalan ng pananagutan na mga katangiang malinaw na makikita sa ilan sa mga padrino ng kanilang kampo.
Si Cayetano at ang ilang senador na sumusuporta sa kanya ay iniuugnay sa mga Duterte, habang hayagan din nagpahayag si Davao City Mayor Baste Duterte at ang kanyang mga kaalyado sa pag-angkin nito Cayetano sa pagkapangulo ng Senado.
Muling iginiit ng grupo ang panawagan sa pagbibitiw ni Cayetano bilang senador.
- Latest
















