3 Duterte ‘di ipinagtanggol si VP Sara sa impeachment

MANILA, Philippines — Hindi man lang umano humarap ang tatlong Duterte na kasalukuyang miyembro ng Kamara upang ipagtanggol si Vice President Sara Duterte sa impeachment hearing.
Ito ang tugon ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairperson at Manila Rep. Joel Chua sa pahayag ni Davao City Rep. Paolo Duterte na sinuhulan at tinakot ang mga kongresista upang suportahan ang impeachment complaints.
Ayon kay Chua, kung tunay na nais ipagtanggol ang Bise Presidente, dapat sana ay dumalo ang mga kaalyado sa mismong pagdinig ng Committee on Justice. “Tatlo po ang Duterte na nakaupo bilang miyembro ng Kamara, bakit ni anino po ng kahit isa sa kanila hindi nakita?” giit ng mambabatas.
Bukod kay Rep. Paolo, kabilang sa Kamara ang anak nitong si Davao City Rep. Omar Vincent Duterte at si PPP party-list Rep. Harold Duterte.
Sa ilalim ng Rules ng Kamara, maaaring lumahok sa mga pagdinig ang mga kongresista kahit hindi sila miyembro ng komite, gaya ng ginagawa ni SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta.
- Latest


















