P1,500 buwanang tulong sa minimum wage earners, iginiit
MANILA, Philippines — Iginiit ni Sen. Win Gatchalian ang pagbibigay ng P1,500 buwanang tulong pinansyal sa mga kumikita ng minimum na sahod.
Sa preliminary report ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) committee, ipinunto ni Gatchalian na ang krisis sa Gitnang Silangan ay nagdudulot ng pagkawala ng kakayahang bumili ng mga manggagawa dahil mas mabilis na tumataas ang mga presyo kaysa sa sahod.
Nasa limang milyong minimum wage earners ang inaasahang makikinabang sa buwanang P1,500 na tulong sakaling matuloy.
Ang iminungkahing programa ay magkakahalaga sa gobyerno ng humigit-kumulang P7.5 bilyon bawat buwan.
Nauna nang tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) sa publiko na may mga contingent fund na nakalaan sakaling ipatupad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapalawig ng tulong pinansyal sa mga minimum wage earner na apektado ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sinabi rin ng Malacañang na pag-aaralan ng gobyerno ang kahilingan para sa tulong pinansyal sa mga minimum wage earner, middle class, at mga empleyado ng gobyerno na apektado rin ng krisis sa langis na bunga ng tunggalian sa Middle East.
- Latest























