‘Recovery plan’ ilatag sa paalis na OFW na naipit sa airstrikes sa Middle East
MANILA, Philippines — Nanawagan si Senate Foreign Relations Panel Chairman Erwin Tulfo sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na maglatag ng recovery plan para sa mga Pilipinong nakatakda sanang lumipad patungong Middle East upang magtrabaho ngunit naudlot dahil sa paglala ng tensyon sa rehiyon.
“Habang tayo ay nag-aalala sa ating mga kababayan na naipit sa gulo sa mga bansang apektado ng airstrikes sa Middle East, nananawagan tayo sa DMW at OWWA na bigyan din ng pansin ang mga Pilipinong papunta pa lamang sana sa ibang bansa upang magtrabaho, ngunit nanatili sa Pilipinas dahil sa nangyayaring gulo sa rehiyon,” ani Tulfo.
“Karamihan sa mga kababayan nating ito ay mula pa sa probinsya. Gumastos na sila para sa mga requirements sa pagbabakasakali na makakuha ng maayos na oportunidad sa Middle East,” dagdag pa niya.
Ayon sa mga OFW na patungo sana sa Middle East, wala pang inilalabas na abiso ang mga ahensiya ng pamahalaan upang tugunan ang kanilang sitwasyon, at wala pa ring malinaw na plano ang kani-kanilang recruitment agencies hinggil sa kanilang deployment.
Bilang sponsor ng badyet ng DMW at OWWA para sa 2026, iminungkahi ni Tulfo ang paggamit ng P2 bilyong Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na Nangangailangan (AKSYON) Fund upang makapagbigay ng tulong sa mga apektadong OFW.
- Latest


















