Vico, Sandro sa 2028

MANILA, Philippines — Naniniwala si Deputy Speaker at La Union 1st District Paolo Ortega na ang mga batang pulitikong sina Pasig City Mayor Vico Sotto at House Majority Leader Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang maaring sumabak sa posisyon ng Presidente, Vice President at Senador kaugnay ng 2028 national elections.
Ito’y matapos ihain ng Young Guns ng Kamara ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 2 na layong amyendahan ang batas sa pamamagitan ng constitutional convention (Con-con) para maibaba ang minimum age requirement sa Presidente at Vice President sa 35-anyos mula sa 40, habang sa Senador ay 30 mula sa 35-anyos.
Nilinaw naman ng solon na hindi nila inihain ang nasabing Con-con para may makalaban si VP Sara Duterte na napaulat na sasabak sa presidential elections.
Sinabi ni Ortega na sina Sotto, 36 at Marcos, 31, ang nakikita niyang mga popular na batang pulitiko na maaring mag-kuwalipikado sa naturang mga posisyon.
Sa Mayo 2028, si Sotto na ipinanganak noong Hunyo 17, 1989 ay 38-anyos na habang si Marcos na isinilang noong Marso 7, 1994 ay 34.
Ayon kay Ortega, bahala na sina Sotto at Marcos kung anong posisyon ang nais ng mga taong takbuhan dahil marami pa naman aniyang maaring mangyari at hintayin na lamang ang pagdating ng naturang oras.
- Latest

















