BBM supporters madaling mapunta kay Robredo
MANILA, Philippines — Madaling makumbinsi ang mga tagasuporta ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na lumipat kay Vice President Leni Robredo dahil ramdam nila ang pagiging tapat at totoo ng kanyang mga sinasabi.
Ito ang obserbasyon ni dating Senador Antonio Trillanes nang samahan niya si VP Robredo sa pulong kasama ang mga manggagawa sa isang pagawaan ng damit.
Ayon kay Trillanes, 80 porsiyento ng mga manggagawa sa nasabing factory ay mga tagasuporta ni Marcos ngunit marami sa mga ito ang nagsilipat kay Robredo matapos niyang sagutin ang kanilang mga tanong at ilatag ang mga plano at plataporma para sa mga manggagawa at sa bansa.
Kabilang sa mga tanong na sinagot ni Robredo ay ukol sa kanyang plataporma pagdating sa hanapbuhay, kung saan ibinahagi niya ang kanyang “Hanapbuhay Para Sa Lahat” program.
Ayon kay Robredo, magkakaroon ng maraming trabaho at mamumuhunan sa bansa kung may tiwala ang mga negosyante sa gobyerno.
Sa panahon ng pandemya, sinabi ni Robredo na nakipagtuwang siya sa iba’t ibang kumpanya na nag-alok ng 29,000 trabaho sa mga Pilipino na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya.
Ngunit sinabi ni Robredo na tanging 16,000 lang ang nakitang kuwalipikado dahil sa kakulangan ng training at kakayahan.
Sinabi ni Trillanes na tahimik na nakinig ang mga empleyado habang nilalatag ni Robredo ang kanyang mga plano, patunay na interesado sila at gusto nila ang sinasabi ng Bise Presidente.
- Latest

















