Simbahan ni Quiboloy ni-raid ng FBI
MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ang simbahan ni Pastor Apollo Quiboloy na Kingdom of Jesus Christ, sa Los Angeles, California.
Ginawa ang raid nitong Miyerkules dahil umano sa sumbong na may immigration fraud at fake marriages kung saan naaresto ang tatlong lider ng simbahan.
Ayon sa mga imbestigador, nakapagdokumento sila ng 82 fake marriages sa loob ng dalawang dekada.
Ilang dating nagtatrabaho para sa simbahan ang tumakas umano at nagsumbong sa FBI ukol sa pamimilit umano sa kanilang mag-solicit ng donasyon sa iba’t-ibang panig ng Amerika.
Iginagalang naman ng Malacañang ang ginawang raid ng FBI sa simbahan ni Quiboloy.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi maaring magreklamo ang Pilipinas lalo na kung lehitimo ang raid sa simbahan. Kung mapatutunayan na nagkasala ang tatlo ay dapat lamang na sumunod ang mga ito sa batas.
Si Quiboloy ay kilalang matalik na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
- Latest