Digong hindi na tatakbo

MANILA, Philippines — Iginiit ng Malacañang na walang plano si Pangulong Duterte na palawigin ang kanyang termino kahit pinapayagan ito sa draft federal government kung saan ay puwede itong tumakbo muli pagtapos ng 2022 at manatili sa poder hanggang 2030.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ilang ulit nang inihayag mismo ni Pangulong Duterte na wala siyang plano na tumakbo muli pagkatapos ng kanyang termino sa 2022.
Magugunita na sinabi ni Julio Tehankee, chairman ng sub-committee on political reforms ng Constitutional Committee (ConCom), na pinapayagan sa ilalim ng draft federal government na muling tumakbo bilang pangulo si Duterte pagkatapos ng termino nito sa 2022.
“It is a reboot. It is a reset. Their term will end 2022. There is no ban. They can run under the new constitution,” giit pa ni Tehankee na ang tinutukoy ay sina Duterte at Vice Pres. Leni Robredo.
Sa ilalim ng draft federal government ay magka-tandem na ihahalal ang pangulo at bise president at nakapaloob din dito na may 4 na taong termino ang elected officials at puwedeng tumakbo sa reelection.
“President Duterte has repeatedly said: not a second beyond his term in 2022. He has said what he said: not a second longer,” dagdag pa ni Roque.
Magugunitang inaprubahan ng ConCom ang draft federal government noong Lunes at isinumite nila ito sa Pangulo upang isumite naman sa Kongreso.
Wika pa ni Tehankee, dadaan pa rin ito sa hatol ng taumbayan kahit aprubahan ng kongreso sa pamagitan ng plebisito. Nakapaloob din sa draft federal government ang probisyon laban sa political dynasty.
- Latest


















