NBI pasok sa P3.5-B dengue vaccine scam

Ayon kay Roque, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa Department of Education para malaman kung sinu-sino ang 733,000 batang mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan na naturukan ng Dengvaxia mula sa Region 3, Region 4-A at National Capital Region. Philstar.com/File
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan na ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang posibilidad na nagkaroon ng anomalya sa “procurement” ng Department of Health (DOH) ng P3.5-bilyong halaga ng dengue vaccine na “Dengvaxia” sa ilalim ng dating administrasyon.
Ang utos ay bunsod sa pagkakatuklas ng negatibong epekto ng nasabing dengue vaccine sa mga binakunahang mga batang wala namang history ng sakit na dengue.
Sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na layon ng kanilang imbestigasyon na matukoy kung nagkaroon ng iregularidad at kapabayaan sa panig ng mga dating opisyal ng pamahalaan na responsable sa pagbili ng naturang bakuna. Susuriin din kung agad na naipaalam sa publiko ang warning o babala ng Sanofi.
Nanawagan si Aguirre sa mga magulang na may anak na nabakunahan ng Dengvaxia na lumapit sa NBI kung may masamang epektong naidulot ang nasabing bakuna.
Samantala, tiniyak kahapon ng Malacañang na mananagot sa batas ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa kontrobersiya ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Sinabi ni Sec. Roque, gumagawa na ng kaukulang legal action ang DOJ kaugnay sa kontobersyal na Dengvaxia issue.
Ang Dengvaxia vaccine na gawa ng French pharmaceutical giant na Sanofi Pasteur ay binili ng DOH sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Roque, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa Department of Education para malaman kung sinu-sino ang 733,000 batang mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan na naturukan ng Dengvaxia mula sa Region 3, Region 4-A at National Capital Region.
Iginiit pa ni Roque, walang dapat ipag-alala ang taumbayan sa isyu ng anti-dengue vaccine dahil hindi naman daw ito “deadly”.
Sinabi naman ni DOH spokesman Asec. Lyndon Lee-Suy na nakahanda sila sa anumang imbestigasyon sa pagbili ng Dengvaxia vaccine.
“Iyong sinasabi na severe dengue cases among those na na-identify ng Sanofi, walang namatay doon. World Health Organization to release recommendation within the next two weeks,” pahayag ng DOH spokesman.
Idinagdag pa ni Dr. Lee-Suy, hindi bumabalik ang dengue pero may stage 1-4 ito at kapag may history ka na sa stage 1 at nabakunahan ka, protektado ka na sa susunod.
Kaugnay nito, pinaiimbestigahan na rin sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nasabing bakuna scam ng DOH.
Sa House Resolution na inihain ni Quezon City Rep. Winston Castelo, pinakikilos niya ang House committee on health na siyasatin ang panganib na dulot ng naturang dengue vaccine. Aniya, kailangan umanong alamin kung bakit nagmadali ang DOH noong nakaraang administrasyon na bilhin ang bakuna ng Sanofi at ipagamit ito sa kabataan sa halip na hintaying lumabas ang resulta ng anim na taong clinical trial nito.
Nanawagan naman si Senator Risa Hontiveros sa gobyerno na magbuo ng isang “Luzon at Cebu-wide database” para mabilis na matukoy ang libu-libong mga bata na nabakunahan ng Dengvaxia vaccine kahit hindi pa sila dinadapuan ng nasabing sakit.
Samantala, kinumpirma ni Senator Sherwin Gatchalian na nasa 15,000 bata ang nabigyan ng bakunang Dengvaxia sa Valenzuela City. Nagpa-panic na aniya ang mga magulang at nagtutungo sa mga health centers upang makakuha ng paliwanag.
- Latest


















