‘Ingrato kayo’ - Bato

Gen. dela Rosa
Sa mga kritiko ng war on drugs
MANILA, Philippines — Tinawag na ingrato o walang utang na loob ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa ang mga kritiko ng war on drugs ni Pangulong Duterte.
Ayon kay dela Rosa, maging ang mga kritiko ng administrasyon at kanilang mga pamilya ay nakikinabang sa inaaning tagumpay ng pinaigting na kampanya ng Duterte administration kontra droga dahil gumaganda ang “peace and order” sa bansa.
“Wala akong specific person basta criticize nyo kami tanggap namin yan pero ako naman bumuwelta rin ako sa inyo. Ingrato ka nakikinabang ka sa peace and order mga anak mo pumapasok sa eskwelahan na walang kaba, walang takot dahil bihira na yung krimen sa kalsada dahil sa war on drugs tapos ngayon tinitira nyo kami,” matapang na pahayag ni dela Rosa.
Sa kabilang dako, sinabi nito na okey lang sana batikusin ang PNP kung talagang mali ang kanilang ginagawa dahil tanggap nila ito.
“Well ako prangka ako na tao, you can criticize us to high heavens but I can tell you straight sa inyong mga mata sabihan ko kayo ingrato kayo ha,” pahayag ni dela Rosa.
Ang pahayag ni dela Rosa ay kasunod sa lumabas sa survey ng Social Weather Station na karamihan sa mga napapaslang sa “drug war” ng gobyerno ay mula sa sektor ng mahihirap.
Binigyang-diin ni dela Rosa na kaya mas mataas ang bilang ng mga mahihirap dahil mas maraming maralita ang nagtutulak at gumagamit ng droga.
Base sa survey, tatlo sa limang mga napapatay sa Oplan Tokhang Revisited at Oplan Double Barrel Reloaded o ang pinaigting na giyera kontra droga ng PNP ay mga mahihirap.
Ikinatwiran ni dela Rosa na sa drug pyramid, ang mga drug lord ang nasa taas at ang mga mid-level drug peddlers ang nasa gitna habang ang mga street level drug pushers naman ang nasa ibaba.
“That’s about 65 to 70 percent, that is true. There are only a few rich people who are involved in drug pushing…when police conduct buy-bust operation, most likely the pushers are poor,” ani dela Rosa.
Ipinunto ng PNP chief na hindi lang mahihirap ang tinatamaan ng kampanya ng gobyerno kundi maging ang mayayaman.
Inihalimbawa nito ang nangyari kina dating Ozamis City Mayor Reynaldo “Aldong “ Parojinog at dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. na kapwa napaslang sa drug operations ng pulisya.
Binigyang diin pa na taliwas sa mga pagbanat ng mga kritiko ay walang sinasanto ang giyera kontra droga ng PNP maging mayaman man o mahirap.
- Latest

















