32% sa kikitain ni Pacquiao vs Bradley inaasahan ng BIR
MANILA, Philippines — Matapos maging kontrobersyal ang umano’y hindi pagbabayad ng tamang buwis ni Filipino boxing icon Manny Pacquiao, umaasa si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na magbabayad ng tamang buwis ang boksingero mula sa kanyang kikitain sa laban kay Timothy Bradley.
Sinabi ni Henares na 32% ang inaasahan nilang makukuha sa matatanggap na pera ni Pacquiao sa muling paghaharap nila ni Bradley sa Abril 13 sa Las Vegas sa Amerika.
"Whatever he earns from that fight, he has to declare it in his [Income Tax Return] in 2014," wika ni sa isng panayam sa telebisyon.
"Siguro naman by this time, natuto naman siya kung ano'ng dapat gawin. Meron naman siyang abogado, meron naman siyang accountant," dagdag niya.
Inanunsyo ng long time promoter ni Pacquiao na si Bob Arum ng Top Rank promotions na siguradong may $20 milyon ang eight division champion.
Sinabi ni Henares na maaaring bawasin ni Pacquiao ang kanyang ibabayad na buwis sa Amerika.
"May binayad kang buwis sa ibang bansa, pwede mong i-awas 'yon. Pero kailangan documented," paalala ni Henares.
Hinabol ng BIR nitong nakaraang taon si Pacquiao dahil sa hindi umano pagbabayad ng tamang buwis noong 2008 at 2009 na umabot sa $50 milyon.
- Latest

















