Prescriptive period sa graft gagawing 30 years
MANILA, Philippines - Upang masiguro na hindi makakalusot dahil sa isyu ng teknikalidad, pasado na sa committee level sa Kamara ang panukala para taasan ang prescriptive period ng pagsasampa ng mga kasong may kaugnayan sa graft and corruption.
Sa House Bill 4146 na iniakda nina Deputy Speaker Giorgidi Aggabao at Rep. Joaquin Chipeco, Jr., mula sa dating 15 taon ay itataas sa 30 taon ang prescriptive period para sa pagsasampa ng mga kasong may kinalaman sa paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa pamamagitan umano nito ay maiiwasang mabasura ang isang graft case dahil lang sa bigo itong maisampa sa loob ng 15-year prescription period.
Ayon sa mga may-akda ng panukala, salig rin ito sa probisyon ng United Nations Convention Against Corruption (UNCAC) kung saan signatory ang Pilipinas.
Sa sandaling mapagtibay umano ang dagdag na 15 taon pa sa prescriptive period ng kasong katiwalian ay mas nakakasiguro na mas marami ang matutugis na nagsamantala sa kanilang posisyon.
Ang prescriptive period ay ang haba ng panahon kung saan maaaring maisampa ang kaso laban sa sinumang lumabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
- Latest