‘Pork’ hearing tuloy sa 2014
MANILA, Philippines - Itutuloy ng Senate Blue Ribbon Committee sa 2014 ang imbestigasyon tungkol sa pork barrel scam pero pagtutuunan ng pansin ang mga polisiya katulad ng rehistrasyon ng mga non-government organizations.
Ayon kay Senator Teofisto Guingona Jr., chairman ng komite, tatapusin muna ang pagdinig sa pork barrel scam bago ilipat ang imbestigasyon tungkol sa Malampaya funds.
Ipinaliwanag pa ni Guingona na titingnan sa pagpapatuloy ng imbestigasyon kung papaano naipaparehistro ang mga NGOS at mga ahensiyang nagre-rehistro nito.
Matatandaan na ilang mambabatas ang sinampahan ng kasong plunder dahil sa alegasyon na naglagay sila ng kanilang pork barrel funds sa mga pekeng NGOs na binuo ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Sinabi pa ni Guingona na pag-aaralan pa rin nila at ikokonsulta sa ibang senador kung ipapatawag ang asawa ni Napoles at ibang staff ng mga senador na nakaladkad sa isyu.
Nauna ng inihayag ni Guingona na nakahanda siyang tapusin na ang imbestigasyon sa pork barrel scam pero ikokonsulta pa rin umano niya ito sa ibang senador.
Tumanggi si Guingona na sabihin kung muling ipapatawag ng Senado si Napoles sakaling ituloy ang imbestigasyon sa 2014.
- Latest



















