Gaming stores sinalakay ng PNP-CIDG

MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga ope­ratiba ng Criminal Investigation and Detection Group ng PNP ang mga sangay ng Datablitz ga­ming store sa ilang mga malalaki at pangunahing mall dahil sa hindi otorisadong pagbebenta ng mga software product.

Ang pagsalakay ay ginawa kasunod na rin ng ipinalabas na search warrant ng Manila RTC Branch 24 at isinagawa nilang surveillance at test buy noong Oktubre.

Ayon kay Sr. Supt Gilbert Sosa, hepe ng Anti-Transnational Crime Division ng CIDG, 33 sales staff mula sa 11 sangay ng Datablitz ang kanilang naaresto sa pagsalakay.

Nasamsam din nila sa operasyon ang hindi bababa sa 500 orihinal na kopya ng DVD games na NBA 2K13 Entertainment Software Products na siyang target ng pagsalakay.

Nabatid na naghain ng reklamo  ang X-Play online games incorporated, exclusive distributor ng nasabing NBA games, dahil ang Datablitz ay hindi umano otorisadong distributor ng nasabing software.

Show comments